Higit 700 pamilya, inilikas dahil sa baha

Gamit ang mga rubber boat, isa-isang ni-rescue ang mga pamilya na na-trap sa lampas-bahay na baha sa Purok 10, Barangay Pag-asa Kapalong, Davao del Norte kagabi.

Unang sinakay ang mga bata at mga babae.

Sa tindi ng baha, hirap ang mga rescuers na maniobrahin ang rubber boat.

Pagdating sa mababaw na bahagi, agad inabot sa mga sundalo ang mga naisalbang residente para dalhin sa evacuation center.

Aabot sa mahigit sa 700 pamilya mula sa 9 na barangay sa Kapalong ang apektado ng baha.

“Nag-start ang baha umaga pa dahil sa walang tigil na ulan. Tumaas ang tubig kaya lumikas na ang iba,” sabi ni Kapalong Mayor Eduardo Timbol.

Dahil sariwa pa ang imaheng iniwan ng bagyong “Sendong” sa Northern Mindanao, maraming pamilya ang nagpumilit mailikas dahil sa takot.

“Naniniguro lang kami baka kasi maparehas sa Cagayan,” ani Carol Tatoy, isa sa mga binaha.

Pero mayroon ding nagdesisyong manatili na lang sa kanilang mga bahay hanggang humupa ang baha.

Problema din ang hanapbuhay ng mga magsasaka dahil lubog sa baha ang mga palayan, maisan at sagingan.

Inaalam pa ang halaga ng pinsala ng baha. Francis Magbanua, Patrol ng Pilipino sa Davao

12/28/2011 10:10 PM

Comments

Popular Posts